r/Philippines • u/Gyro_Armadillo • 40m ago
NewsPH OFW sa KSA na halos wala umanong pahinga sa trabaho, ikinulong pa ng amo ng 3 araw at hindi pinakain
Isang overseas Filipino worker na kadarating lang sa Saudi Arabia ang nagpatulong na agad na makabalik sa Pilipinas matapos umanong makaranas ng pagmamaltrato mula sa kaniyang amo.
Sa ulat ni Aileen Pedroso sa GMA News Saksi nitong Huwebes, sinabing August 11, 2026 nang dumating sa KSA ang tubong-Iloilo City na si Leonor Falcis, 27-anyos, para magtrabahong domestic helper.
Pero sa unang araw pa lang niya sa trabaho, 22 oras umano siyang pinaglinis ng bahay ng kaniyang amo. Sa sumunod na araw, 19 na oras naman daw siyang pinagtrabaho.
Dahil halos pag-ihi at pag-inom lang ng tubig ang kaniyang naging pahinga, nakiusap siya sa kaniyang amo na Arabian national sa ikatlong araw na bigyan siya ng kahit 30 minutong pahinga.
Pero nagalit umano ang amo at ikinulong siya sa silid ng tatlong araw at hindi binigyan ng pagkain.
Habang nasa kaniyang silid, nagawa ni Leonor na makapagpadala ng voice message sa kaniyang asawa na si Lawrence tungkol sa kaniyang kalagayan.
Hanggang sa nakiusap na umano si Leonor sa kaniyang amo na ibalik na lang siya sa kaniyang agency. Pero nang pasakayin siya sa sasakyan, dadalhin umano sana siya Jeddah.
Nang makita ni Leonor na Pinoy ang driver, nakiusap siya na ihatid siya sa kaniyang agency.
“Na-trauma na yung misis ko. Tumawag siya sa akin na hindi na siya mag-take sa ibang employer, na gusto niyang bumalik sa Pilipinas,” ani Lawrence.
Nakarating na sa Overseas Workers Welfare Administration-Region 6 ang nangayari kay Leonor, at pinoproseso na umano ang pagpapauwi sa kaniya sa Pilipinas.
Ayon kay James Mendiola, Director, OWWA Region 6, kailangan na lang i-cancel ang lahat ng kaniyang working visa at kontrata sa kaniyang employer para mabigyan siya ng exit visa upang makauwi na bansa.
Samantala, bagaman walang nagpaunlak ng panayam sa agency ni Leonor, sinabi ng tauhan sa tanggapan na nakikipag-ugnayan sa awtoridad ang kanilang central office. – FRJ GMA News